
Ngayong Mayo Uno, pinagpupugayan namin ang lahat ng mga manggagawa sa buong daigdig sa paggunita ng Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa. Sa gitna ng pandemya at lumalalang krisis pang-ekonomya sa buong daigdig, ating ipinagdiriwang ang mahigit na 134 na taon ng Mayo Uno sa tuloy-tuloy na pakikibaka ng mga manggagawa sa buong daigdig para sa ating karapatan at kagalingan bilang pangunahing tagapaglikha ng yaman ng daigdig. Kalahok ang mga migranteng Pilipino mula sa New York at New Jersey sa pag-alala ng makasaysayang papel ng mga manggagawa sa pagwawakas ng mapagsamantalang sistema na patuloy na nagpapahirap sa mayorya ng mamamayan ng daigdig.
Ang krisis ng impeyalismong Estados Unidos at pagdausdos ng pandaigdigang ekonomya ay nagdulot ng mas malaking pangangailangan sa murang lakas paggawa. Lalo pang lumakas ang pagtulak sa mga manggagawa sa mga mahihirap na bansa tulad ng Pilipinas na mangibang bayan sa anyo ng mga neoliberal na patakaran sa labor eksport. Bago pa man ang paglaganap ng pandemya sa maraming bansa, hindi na maitago ang matindi at lumalalang krisis pang-ekonomya at pampulitika sa buong daigdig at lalo pang pinalala ng kasalukuyang pandemya.
Ang mga migranteng manggagawang Pilipino ay lubhang nakakaranas ng direktang atake ng mga anti-manggagawa at anti-migranteng polisiya ni Trump at Duterte dulot ng kapabayaan ng gobyerno sa kabila ng malaking kontribusyon nito sa ekonomya hindi lamang sa Estados Unidos kundi maging sa Pilipinas.
Ang mga manggagawang Pilipino ay nahihirapan makakuha ng sapat na kagamitan panlaban sa pandemya lalo na dito sa New York at New Jersey na tinataguriang “epicenter”. Sa malawakang paglaganap ng pandemyang COVID-19, malawakan ring tinamaan ang mga manggagawang Pilipino lalong lalo na ang mga manggagawang pangkalusugan, mga manggagawang patuloy na nagbibigay ng serbisyo sa gitna ng panganib o ang mga tinatawag nating Frontliners. Partikular sa Hilagang-Silangan (Northeast) ng Estados Unidos may 50 Pilipino na ang naitalang nagbuwis ng buhay dahil sa pandemya ayon sa Consul General ng Philippine Consulate General ng New York. Mula sa 50 na nagbuwis ng buhay, 18 dito ang mga frontliners na duktor, nars, mga transport workers ng ospital, laboratory technicians at iba pa.
Sa gitna ng panganib sa kalusugan, dinaranas ng migranteng manggagawang Pilipino ang kawalang kasiguraduhan sa trabaho at kawalan ng malinaw na impormasyon hinggil sa kanilang karapatan sa kasalukuyang pandemya. Marami sa kanila ay mga “essential workers” sa mga food supply warehouse, laboratories, restaurants, healthcare industry, construction at domestic work. Marami ang humaharap sa isyu ng wage theft at kalakhan ay hindi binabayaran ng paid sick leave at hazard pay sa kabila nang pagsuong sa panganib na magkasakit. Nagpapatuloy ang maraming bilang ng mga manggagawa sa kanilang trabaho hindi lamang sa kadahilanang “essential worker” sila kundi maging sa takot na mawalan ng trabaho sa panahon na ito na walang kasiguraduhan.
Ramdam ng migranteng manggagawang Pilipino ang mga paglabag sa kanilang karapatan sa paggawa habang pikit matang sinusuong ang panganib upang patuloy na masuportahan hindi lamang ang kanilang batayang mga pangangailangan kundi maging ng kani-kanilang mga pamilya sa Pilipinas. Kung hindi dahil sa Labor Export Policy o ang sadyang pagbenta at paglabas ng mga manggagawang Pilipino para pagsamantalahan sa ibang bansa, ay hindi sana magiging watak-watak ang maraming pamilyang Pilipino. Kapalit ng masaklap na kundisyon ng mga pamilya ay ang remittances ng mga Overseas Filipino Workers (OFW,) na naging napakalaking ambag sa ekonomya ng Pilipinas. Sa kasalukuyan, marami sa mga kababayan nating OFW na hanggang ngayon ay patuloy pa ring naghihintay sa ipinangakong ayuda ng gobyerno.
Kasama na rin sa hanay ng mga OFW ang lumulobong bilang ng mga kabataang migranteng Pilipino dito sa Amerika na J1 visa holder ang nangibang-bansa dulot ng kakulangan ng nakabubuhay at sapat na oportunidad at trabaho sa Pilipinas. Ang mga kabataang Pilipino na ito ay mas pinili ang landas na magsakripisyo sa labas ng bansa dala ang pangako ng kanilang mga rekruter na maginhawang buhay para sa kani-kanilang pamilya. Hinaharap nila ang matitinding kundisyon sa pagtatrabaho, hindi pantay na pagtrato ng employer, iba’t ibang anyo ng panggigipit at pagsasamantala ng kanilang mga rekruter. Sa kasalukuyan, may naitalang higit kumulang sa 100 na mga bagong migranteng kabataang Pilipino na J1 visa holder sa buong Amerika ang malubhang naapektuhan ng krisis ng COVID-19. Ang kanilang sigla ay mabilis na napalitan ng lungkot at pagkadismaya, dahil wala silang makuhang suporta mula sa kahit alinmang ahensya ng gobyerno ng Pilipinas at ng Estados Unidos.
Dagdag pa sa pinapasan ng ating mga migranteng manggagawa sa New York at New Jersey ang usapin ng kalusugan at kaligtasan sa gitna ng pandemya. Marami sa ating mga kababayan ang itinuturing na essential workers ang hindi nabibigyan ng proteksyon pangkalusugan habang patuloy na napupwersahang mag-hanapbuhay dahil sa kawalan ng kasiguraduhang makakuha ng benepisyo at ayuda mula sa gobyerno lalong lalo na ang mga “undocumented” nating mga kababayan. Sa simula ng pandemyang ito, marami sa mga kababayan nating essential workers ang na-expose sa sakit na COVID-19 ngunit nagpapatuloy pa rin sa pagtatrabaho sa gitna ng kawalan at kakulangan ng Protective Personal Equipment (PPE) dahil sa takot na mawalan ng hanapbuhay.
Kamakailan lamang, isang Pilipinong manggagawa sa Queens, New York na si David Galicia ang napabalitang napatay ang kanyang ina at sinubukang kitilin ang kanyang sariling buhay. Ayon sa mga pulis makikita na sya ay “emotionally disturbed” at hindi pa malaman ang motibo ng pagpatay sa ina. Bago pa man ang insidente, batay sa mga kakilala, si David ay tumutulong sa pangangailangan ng kanyang ina simula nang ito ay mag-positibo sa Covid-19. Sa kadahilanang ito, hindi nakaligtas si David sa stigma ukol sa COVID-19 dahil sa kawalan ng sapat na impormasyon dulot ng sakit. Nabanggit ng mga kakilala ni David na nagkaroon ito ng epekto sa kanyang mental health.
Ang karanasan ni David Galicia ay hindi hiwalay na kaso. Marami sa ating kababayan ang nakakaramdam ng bigat at sakit dahil sa iba’t ibang epekto ng kasalukuyang pandemya. Isa na rito ang walang natanggap na ayuda mula sa gobyerno at ang sobrang pag-aalala kung paano isusustine ang kanilang pang araw-araw na pangangailangan at ng kanilang pamilya. Ang ganitong kadahilanan ang ilan sa nakakaapekto sa mental health ng ating mga kababayan kaya ang iba ay wala nang nakikitang paraaan kundi ang kitilin ang sariling buhay. Iniiwan silang nakabitin ng parehong gobyernong Duterte at Trump.
Sa Pilipinas, ang malalang kagipitan at ang sobrang pagsasamantala sa mga manggagawa ay nagsisilbing panggatong sa umiigting na apoy ng paglaban ng mga manggagawang Pilipino para sa mas malaya at makatarungang kinabukasan. Sa gitna ng matinding krisis dulot ng COVID-19, tuloy pa rin ang pakikibaka ng mga manggagawang Pilipino dahil batid nila na ang tunay na ugat ng krisis pangkalusugan ay ang panlipunang krisis na hatid ng mga taksil at pasistang patakaran ng rehimeng US-Duterte.
Kasama sa mga patakarang ito ang sapilitang lockdown ng mga mamamayan na wala namang sapat na pagpaplano at ayuda para sa karamihan ng mga magsasaka, manggagawa, at maralitang lungsod. Sa halip na matugunan ng rehimen ang mga kagyat na kahilingan ng karamihan, ay higit pang pinahihirapan ang taumbayan sa mapanupil at mapagparusang “Enhanced Community Quarantine” na mahigpit at malupit na pinangungunahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP,) at Philippine National Police (PNP.) Sa halip na bigas, bala; sa halip na tulong, kulong ang inihahatid ng rehimeng Duterte sa mga mamamayan.
Ang dinaranas ng mga manggagawang Pilipino sa ibayong dagat ay hindi hiwalay sa dinaranas ng mga kababayan nating manggagawa sa Pilipinas. Tanging ang ating sama-samang pagkilos ang ating maaasahan sa panahon ng krisis at kahirapan. Nasa atin ang lahat ng karapatan upang manindigan para sa ating mga batayang karapatan. Dapat nating ipaglaban at tamasahin ang karapatan na dapat ay para sa atin. Sama-sama nating singilin ang rehimeng US-Duterte para sa ayudang nararapat para sa lahat ng mga manggagawa at migranteng Pilipino.
Sa araw na ito, kalahok at kaisa ang mga migranteng manggagawa Pilipino mula sa New York at New Jersey ng mga manggagawa sa buong daigdig sa muling pagguhit sa kasaysayan ng ating boses at pagkilos sa pagdiriwang ng Mayo Uno.
Mabuhay ang Uring Manggawa!
Makibaka Huwag Matakot!
#ProtectFrontlineWorkers
#PPEandMassTestingForAll!
Kasiguruhan sa trabaho para sa lahat! Hazard Pay for all essential workers!
#OFWAssistanceNow!
#SolusyongMedikalHindiMilitar
Panagutin ang rehimeng US-Duterte sa kanilang kapabayaan!
#OustDuterte
###